heard just now that this one got rejected...
tsk.tsk. g'bye new swimsuit :(
oh well
i'm posting this here
para magkaroon naman ng pakinabang kahit papaano
hala sige. basa.
-----------------------------
Waiting Shed
SA KANTO ng kalye kung saan kami nakatira ay mayroong isang waiting shed. Lumang-luma na iyon. Hindi pa ako tumutuntong ng elementarya ay napapansin ko na iyon doon. Marahil hindi pa ako tao ay buhay na ang waiting shed na iyon.
Dala ng kalumaan ay halos wala ng silbi iyon. Tumatagas na ang tubig sa kisame niyon tuwing umuulan. Bungi-bungi na kasi ang balungan niyon na yari sa pininturahang tisa. Mainam lamang iyon bilang pananggalang sa sikat ng araw.
Karaniwan ay doon naglalagi ang mga biyaherong naghihintay ng jeep na patungong Maynila. Kalimitan ay doon din kami nag-aabang ng masasakyan ng mama ko kapag isinasama niya akong magsimba sa Quiapo. Deboto ng mahal na Poong Nazareno ang mama ko.
Naalala ko ang nangyari sa amin nang minsang magsimba kami. Pauwi na kami nang mapilitan kaming huminto pansumandali sa waiting shed. Napigtal kasi ang tirante ng bag ng mama ko at kailangan niyang ayusin iyon kundi ay sasambulat ang dala niyang mga gamit.
Tanda ko pa na ibinili niya ako noon ng ibong maya bago kami sumakay ng jeep pauwi. Aliw na aliw ako dahil matingkad na kulay asul ang maya na iyon. High-school na ako nang malaman kong dala lang pala ng tina kaya ganoon ang kulay ng ibon ko.
Habang abala ang mama ko sa pagkukumpuni ng bag niya ay inabala ko naman ang sarili ko sa aking bagong alaga. Doon ko binuhos ang lahat ng atensiyon ko kaya naman nagulat ako nang bigla na lang akong balingan ng ina ko.
"Bakit ba?" pagalit na tanong niya sa akin.
"Po?" maang na balik ko naman. Sa pagkakaalam ko ay wala naman akong ginagawa na dapat niyang ikayamot kaya takang-taka ako.
"Bakit mo ba ako kinakalabit. `Kita mong may ginagawa ako. Maglaro ka na lang diyan at huwag mo akong guluhin."
Mas lalo kong pinagtakhan ang sinabi niyang iyon dahil hindi ko naman ginagawa ang paratang niya sa akin. Pero kaming dalawa lang ang tao sa waiting shed nang mga sandaling iyon kaya kung may kumakalabit sa mama ko at hindi ako iyon ay sino pala?
Sinabi ko sa kanya na nagkakamali siya ng akala pero halatang hindi siya naniwala sa akin. Gayunpaman ay wala na siyang ibang sinabi pa. Itinuloy na lamang ulit niya ang naudlot na gawain. Ang buong akala ko ay iyon na iyon pero mayamaya lamang ay binalingan ulit niya ako.
"Ano ba naman anak, huwag ka ngang makulit diyan. Huwag mo akong kalabitin ng kalabitin at naiirita na ako sa iyo."
Pasinghal na ang paraan ng pagwika niya sa akin kaya alam kong mainit na talaga ang ulo niya. Hindi ko na iginiit ang totoo. Kapag ganoong mainit na ang ulo niya ay tumatahimik na lang ako. Nag-'sorry po' ako sa kanya kahit na alam kong wala naman akong dapat ihingi ng paumanhin.
Mas gusto ko na iyon kaysa naman mapalo pa ako ng walang dahilan. Pero sa kinatapusan, ang iniiwasan kong mangyari ay nangyari din. Sa ikatlong beses na binalingan ako at pinagbintangan ng mama ko na kinakalabit ko siya ay hindi na siya nakapagtimpi. Lumapat ang step-in niya sa pang-upo ko. Hindi lang iyon, binawi pa niya ang ibon ko at ibinigay sa kapatid ko pagdating namin sa bahay. Ang sama-sama ng loob ko nang araw na iyon.
Kung hindi ako nagkakamali ay anim o pitong gulang pa lamang ako nang mangyari ang insidenteng iyon. Ngayon ay beinte dos na ako. Ubod na tagal na panahon na buhat nang maganap iyon. Ang totoo ay nawala na iyon sa isip ko. Pero dahil sa nangyari sa akin kanina ay bigla ko iyong naalala.
May klase ako sa review center nang hapong iyon. Naghahanda kasi ako para sa board exam namin. Mechanical engineering ang kursong natapos ko. Pauwi na ako nang maisipan kong tumigil muna sa waiting shed para mag-yosi.
Tahimik lamang akong nakatayo sa isang tabi habang pinupuno ng nikotina ang baga ko nang dumating ang dalawang babae. Tumayo sila sa harapan ko, panay ang huntahan at hagikgikan. Ang una kong naisip ay malamang ay nagaabang sila ng masasakyan. Napatunayan kong hindi ako nagkamali ng sapantaha nang parahin nila ang paparating ng taxi. Pero may lulan iyong pasahero kaya hindi rin sila nakasakay.
Nilapitan ko ang matandang tindera ng sigarilyo na nakapuwesto sa kabilang dulo ng shed at bumili ako ng isa pang stick ng Marlboro. Pagkatapos ay nagbalik ako sa dati kong kinatatayuan. Aaminin kong naaliw ako sa dalawang babae dahil pareho silang maganda.
Lumipas ang ilang minuto. Nilingon ako ng isa sa dalawang dalaga. Nakapilig ang ulo niya at nagtatanong ang ekspresyon ng mukha niya. Nagtatanong din ang ekspresyong tiningnan ko siya. Mukhang nainis siya sa akin. Ganoon na lang ang irap niya sa akin bago siya pumihit paharap.
Napakibit-balikat na lamang ako. "May sayad siguro ang isang ito," sa loob-loob ko.
Mayamaya ay ang kasama naman niya ang lumingon sa akin. Mukhang may nais din siyang itanong sa akin base sa ekspresyong nakalarawan sa mukha niya. Wala naman siyang sinabi kaya hindi na rin ako kumibo. Ano naman ang sasabihin ko? Halatang nainis din siya sa akin. Inirapan din niya ako at saka umismid sabay talikod.
Nawi-weirdo-han na ako sa dalawang babae. Panay ang bulungan nila at pagkatapos ay manaka-naka ay susulyap sa akin. Ang lakas nilang mag-trip. Mabuti na lang at mayamaya lamang ay may humimpil na taxi at isinakay sila.
Malapit ng maubos ang sigarilyo ko nang maramdaman kong may kumalabit sa balikat ko. Awtomatikong napalingon ako pero wala naman akong nakitang tao sa likuran ko.
Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang tumindig ang mga balahibo ko sa batok.
Luminga-linga ako at natanto ko na ako na lamang at ang matandang tindera ng sigarilyo ang tao roon. Pero nasa magkabilang dulo kami ng waiting shed kaya malabong mangyari na siya ang kumalabit sa akin.
Ipinagkbit-balikat ko na lang ang nangyari. Bitak-bitak na ang kisame ng waiting shed at marahil ay mayroong nahulog na maliit na piraso ng tabla mula sa taas. Iyon malamang ang tumama sa balikat ko na ipinagkamali ko bilang kalabit ng tao.
Hinagis ko na ang upos na hawak ko at nasa aktong dinidiinan ko na iyon ng takong ng sapatos ko nang makadama na naman ako ng kalabit sa balikat ko. Napalingon ulit ako. Kagaya ng nangyari noong una ay wala pa rin akong nakitang tao sa likuran ko.
Sa ginawa kong paglinga ay nagkasalubong ang mga mata namin ng matandang tindera.
"Boy, tigilan mo na ang paglingon-lingon at wala ka talagang makikita," wika niya sa akin.
"Ho?"
Nagpaliwanag siya. Nalaglag ang panga ko nang malamang may multo palang nananahan sa waiting shed na iyon. Ewan ko kung maniniwala ba ako sa narinig ko o hindi.
"Ba’t dito pa ho kayo pumuwesto kung totoong may multo dito?" tanong ko.
"Sa tinagal-tagal kong nagtitinda dito ay wala pa naman akong nasasaksihan na dapat kong ikabahala," aniya. Mukhang mabait naman daw ang multo. Iyon nga lang, mahilig daw magbiro iyon. Joker, wika nga.
Naglalakad na ako pauwi ng bahay namin ay saka ko lang napagtagni-tagni sa isip ko ang dahilan kung bakit ako nilingon at tiningnan ng masama ng dalawang babae. Malamang sa hindi ay kinalabit din sila ng multo at ako ang napagbintangan nila. Saka ko lang din naalala ang insidenteng nangyari sa amin ng mama ko noon na nauwi sa pagpalo niya ng tsinelas sa puwit ko.
Anak ng tokwang multo iyon, pahamak sa buhay ko.
March 26, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment